Kung Paano Pinapatay ang Multo ni Jun Cruz Reyes
Bahagi ng isang autobiograpi na impluwensyado ng Living to Tell the Tale ni Gabriel Garcia Marquez at Counter Memory ni Michael Foucault. Isang eksperementation sa praxis ng post modern na essay/ term paper/ biograpi at creative nonfiction.
NALILIGID ako ng mga taong malabo ang mukha. Mga sampu ang bilang nila. Babae at lalaki, matanda at ilang mukhang bata. Nakatingin silang lahat sa akin. Mapanglaw ang anag-ag nilang mukha. Nakahiga ako, nakadukwang sila sa paligid ng aking kama. Mataas ang kinalalagyan nila, kasi'y hindi naman sila nakatuntong sa sahig. Waring may sinasabi sila sa akin, hindi ko mawarian. Ilang sandaling ganoon, saka ako natigagal. Hindi ko na tiyak kung gising ako o tulog. Bigla silang naglahong lahat, hanggang nakatitig akong walang nakikita sa paligid.
Kinabukasan, ikinwento ko iyon kay Inang Pilang. Una'y winawari niya ang sinasabi. Kinapa niya ang aking noo kung may sinat ba ako, inaakalang nahihibang ako. Nag-isip-isip siya. Pinakwento ang hitsura ng mga kumausap sa akin. Ikinwento ko ang ilang. Kilala niya sina Inang Clara at Amang Uro, mga yumaong magulang niya. Si Nana Uta, at Tatang Ado, na pinsang-buo niya, na sa bahay namin sa Tundo nakikitira noong kami'y nasa Maynila pa. Ang iba'y mga kamag-anak na di ko natatandaan ni mukha o pangalan. Nang mabuo ni Inang ang listahan sa kanyang utak, wari siyang natauhan. Nag-iiyak siya at saka nakiusap. Kahit ano raw ang mangyari, kapag nagbalik sila ulit,huwag na huwag akong sasama sa kanila. Mga multo sila ng aming angkan.
Dapat ay nasa Lyceum ako at nag-aaral ng Foreign Service at Political Science noong mga panahong iyon. Tumigil ako sa dalawang kadahilanan. Bumababa ang mga grado ko, at humihina ang katawan ko. Panahon din iyon na bugnutin ako at madaling mairita. Panahon din iyon na nahihilig akong magbasa ng mga kwento ng mga Russian tulad nina Dostoyevsky, Checov, Gogol, Tolstoy at sa bandang huli'y sina Maxim Gorky at iba pa. Si Sixto Singson na isang Ilokanong kaeskwelang naging kaibigan ang talagang mahilig magbasa. Lamang, bawat mabasa niya'y ibinibigay na sa akin. Hanggang natuto akong bumili ng sarili kong libro.
Hindi ko alam kung nababago ang ugali ko dahil sa mga binabasa ko. Hindi ko rin alam kung kaya humina ang katawan ko'y sa kapupuyat dahil sa pagbabasa. Hindi ko rin alam kung bahagi ito ng pagrerebelde ng kabataan, na tinatawag na adolescental blues. Basta galit ako. Hanggang pati ang pagkain ay kinagagalitan ko. Hindi ako kakain hanggat maaari. Ayaw ko na ring magsalita. Higit kailanman, ayaw ko ng maraming tao. Naiirita ako kahit sa mga regular at normal na ingay. Matindi na ang sumpong ko'y hindi pa naman ako manunulat.
Kailangan kong magbakasyon sa Bulacan kahit hindi pa tapos ang semester. Napansin kasi ni Inang Pilang at Amang Indo na nagiging matamlay ako kahit noong nakaraang semestral break. Pinatignan ako sa duktor. In-x-ray. Mahina raw ang baga ko. Kailangang magpahinga ng anim na buwan, kasabay ng gamutan. Ipinagpipilitan ng duktor na inabuso ko raw ang aking katawan. Nagsisigarilyo ba ako? Hindi (pa). Umiinom? Paminsan-minsan, kapag may mga okasyon, na bihirang-bihira lang naman. Nagda-drugs daw ba ako? Hindi (pa). E kung hindi, bakit at paano ako nagkasakit? Ewan ko nga.
Sa duluhan ng solar nami'y may kawayanan. Tabing ilog iyon. Tahimik doon, lilim at malamig. Iyon ang naging paborito kong lugar para magbasa kapag nasa labas ng bahay. Hindi ko alam noon kung bakit kakatuwa para sa mga kababaryo ko na nakakakita sa akin, na sa araw-araw na ginawa ng diyos ay naroroon lang ako at nagbabasa, sa halip na natutulog, kapag hapon na. Hanggang naging bahagi na ako ng tanawin sa kawayanan. Doon nabuo ang bansag sa akin ng matatanda, ang batang nakasalamin, na walang ibang ginagawa kundi ang magbasa. Matalino. Hanggang idineklara ng duktor na pwede na ulit akong lumuwas ng Maynila para ipagpatuloy ang naantalang pag-aaral. Masigla na naman ako.
MINSA'Y kinausap ako ni Inang. Panahon naman iyong nadiskubreng may sakit siya sa puso. Matanda na si Inang, pero parang dati pa rin. Hindi lumalabas ng bahay si Inang. Ang ulam nami'y inuorder sa mga naglalako ng isda, karne at gulay. Suki siya ng lahat ng mga mangangapa (ng ulam) sa lugar namin. Ayaw na ayaw niya sa palengke, na sabi niya'y mabaho at madumi. Pinamamalengke niya si Ka Rosing, ang pinsang-buo ko na inalagaan niya kaya naging panganay namin, para sa iba pang mga gamit sa bahay. Hindi basta nakikita ng tao si Inang, pero kakatuwang alam niyang lahat ang nangyayari sa paligid. Paboritong puntahan si Inang ng mga pamangkin niya, pininsan at mga hinipag sa pinsan. Mahilig at masarap kasing magluto si Inang, laging may inilalabas na meryenda o ulam sa kanyang mga bisita na hindi naman talaga bisita. Kaya nawiwili ang mga kamag-anak na dalawin si Inang. Naglilibang sila, na kung tawagin nila'y huntahan, pero ang totoo'y tsismisan iyon. Si Inang ang tenga nilang lahat. Mahilig itong makinig sa mga balita nilang lahat, na hindi naman delikadong malaman iyon ni Inang, dahil nga hindi ito lumalabas kaya tiyak na hindi makararating sa pinagtsitsismisan ang kanilang mga haka at balitang tunay. Nakagawian na ni Inang na makinig sa radyo, sa programa ni Tiya Dely. Ang pagkakaiba nga lang ng pakikinig niya sa mga kwento ng mga kamag-anak, ay live iyon at hindi de baterya, pero parehong batbat ng drama.
Malaki ang impluwensya ni Tiya Dely Magpayo kay Inang. Mahusay daw magbigay ng payo si Inang, sabi ng mga kamag-anak ko; pero sa palagay ko'y kaya nila nagugustuhan si Inang ay hindi dahil sa payo kundi sa hilig nitong magpabibitbit ng kung anuano sa mga pamangkin niya, bukod pa sa pagpapautang sa mga ito, na malimit ay sinasabayan ng daing at iyak. Gustung-gusto talaga ni Inang ng drama. Pumupunta rin sa amin ang mga kamag-anak ko kapag may nauuwi sa aming magkakapatid sa Sta. Elena, Hagunoy. Nakikipagkwentuhan at nangungumusta, sabi nila, na ang dulo'y paglalabas ni Inang ng mga pasalubong naming pagkain, para meryendahin ng lahat. Lahat kaming magkakapatid, kapag umuuwi, ay laging may sangkaterbang pasalubong kina Inang at Amang. Ako ang mahilig mag-uwi ng mas maraming masasarap na pagkain. Alam ko ang mga paborito niyang pagkain, kare-kare ng Barrio Fiesta, mongo bread at fried chicken ng Max, siopao ng Averdeen Court, manggang hinog na matatambok ang pisngi, castanias kung magpapasko, at paminsan-minsang crispy pata o sinigang na baka. Sa tinapay, ayaw niya ng masyado raw masarap. Gusto ko ng sans rival at black forest, ng Merced Bake Shop, na ayaw naman niya. Mas masarap sa kanya ang ensaymadang Malolos, pero ang mas hinahanap niya'y pilipit, galang, matsakaw at otap. Iyon daw na pwedeng isawsaw muna sa kape bago nguyain. Kapag nasa bahay naman ako, alam rin ni Inang ang mga hahanapin kong ulam tulad ng adobong alimango, sinigang na ulang, o kahit halabos na talangka at hipon na lang.
Laging ganoon siya hanggang sa humina. Masarap pa ring magluto, pero hindi na siya kasing sipag tulad ng dati. Nagkakaalikabok na ang bahay namin at kung minsa'y hindi na gaanong malinis ang banyo. Pero naroroon pa rin ang kanyang tatak. Halimbawa'y may tatlong timba kami sa bahay na may katernong tabo. Color coded ang mga iyon. Isang set sa may lababo para sa panghugas ng pinggan. Isang set sa may malapit sa inidoro at isang set pa sa kabilang dulo ng banyo para naman sa pampaligo. Dapat ay kabisado ng lahat ng kasambahay ang tamang gamit ng bawat set. Ang sa kamay, pinggan at sa pagkain ay para doon lang. Ang pambuhos sa inidoro ay doon lang. Ang sa pampaligo ay doon din lamang. Pagpalit-palitin iyon at masisira ang katahimikan ng bahay. Muling maliligo ang gumamit ng tabong pang-inidoro. Muling pahuhugasan ang lahat ng pinggang ginamitan ng tubig galing sa timbang pang-inidoro. Itatapon ang natitirang tubig. Ipasasabon ang mga timba at tabo saka ibabalik sa tamang lugar. May patakaran din sa paggamit ng basahan sa kamay. May tatlong set din noon, na magkakahiwalay na nakasabit sa paligid ng kusina at kumedor. Isa ang sa kanya, isa para sa aming magkakapatid at isa pa ulit para kay Amang, na lagi niyang tinatanong kung nagsasabon kapag ito'y naghuhugas ng kamay. Malimit mahuli ni Inang na hindi nagsasabi ng totoo si Amang. Malimit ay naghihinaw lamang ito ng kamay bago at matapos kumain. Away iyon na hindi naman iniintindi ni Amang.
Ganoon ang setting nang masinsinang kinausap ako ni Inang. Iniisa-isa niya ang mga basahang pangkamay, sa basahang panglamesa, sa basahang pamunas ng alikabok sa silya.
"Anak, matanda na ko, malapit na rin akong umalis sa mundo."
"Ba't ba Inang ganyan kang magsalita?"
Nagtanong pa ko, pero alam ko namang hindi ibig sabihin noo'y iiwanan niya ang bahay para tumira kangino man sa aming magkakapatid. Lalong hindi palengke ni bakasyon ang iniisip niya. Ang ibig sabihin lang noo'y humanda ka Jun at magdadrama na naman ang Inang mo. Siguro'y may sulat kay Tiya Dely na sa pandinig niya'y bagay na siya ang nakaisip at gumawa. Nag-i-internalize na naman siya. May dramang nagaganap sa kanyang utak. Sa ganoong pagkakataon, tulad ni Amang, alam ko ang tamang reaksyon. Jun, huwag kang kikibo, kung hindi, magiging tauhan ka sa dramang nagaganap sa kanyang guniguni. Kapag nagkataon, magiging predictable ang ending. Tiyak na magiging happy ending iyon dahil matutupad ang goal ng bida, at susunod sa kanya ang lahat ng nagpapasakit sa kanyang kalooban. Laging siya ang bida sa ganoong drama.
Ayaw kong sumali kaya walang suspense ni dialogue na naganap. Walang linyang "Ngunit bakit po minamahal naming Inang?" o "Diyos na mahabagin, ano't nasok sa iyong isipan ang ganyang panginorin, pinakamamahal at itinatangi naming Inang?" Ako kasi ang paborito ni Inang mula noong kami'y mga bata pa lamang. (Kahit ipagpilitan pa niyang wala silang itinatangi ni Amang at pantay-pantay lang kaming magkakapatid sa paningin niya. Swerte raw ako sa lahat ng inianak niya, kaya hanggang sa pagtanda, ang tingin niya sa akin ay isang agimat na lagi nilang pinangangalagaan, na ang epekto sa aki'y parang minoxidil na nagpapatubo ng buhok kapag regular na ipinapahid sa anit, lamang ay mumunting sungay na hindi nakikita ang tumubo sa noo ko, na handang ipanuwag kung kinakailangan), kaya lang ay wala talagang epek sa akin ang drama nya, dahil si Kapitang Kidlat ang paborito kong pakinggan sa radyo noong araw at si Vic Morrow ng Combat naman noong nagkaroon na kami ng t.v.
Dahil ang reaksyon sa mukha ko'y parang letrang nababasa ni Inang, na ang kahulugan noon sa magalang na pamamaraan ay, "Sorry po, off limit ako ngayon sa drama, dahil rock star na ang papel sa buhay ng anak nyo," napanis ang mga linya ng matagal na niyang pinagpraktisang drama. Kaya ang naging dulo'y ganito, sangpayo sa reconstructed na bersyon ko.
"Naalala mo ba anak noong nagkasakit ka? Noong sinusundo ka ng mga patay mong ninuno at kamag-anak? Noong nag-iiyak na pinagsabihan kitang huwag na huwag sasama?"
Naaalala ko pati ang lahat ng prutas na pinipilit mong ipakain sa akin kahit akoy'y sawang-sawa na sa ubas, mansanas at kahel, na status symbol pag kainin noon. Dati iyon pangmayaman, na ngayo'y pangmahirap na lamang. Naalala ko rin pati ang pagpapahingi niya ng masasarap na pagkain sa kanyang mga kamag-anak kapag may punsyon, na ang kahuluga'y handaan, para daw sa kanyang si Junior. Paano ko iyon makakalimutan ay kasabay iyon ng araw-araw na pag-iiniksyon sa akin ni Dr. Malgapo sa braso hanggang iniinda ko na ang sakit ng karayom, na sa pakiwari ko'y sa buto ko na tumatama, kaya sa halip na sa braso itinurok ay pinagsasalitang sa magkabilang pigi ko naman. Takot ako sa karayom sa simula, na sa bandang huli't binabalewala ko na lamang. Araw-araw iyon, buti pa ang pagpaligo at pwedeng every other day kapag malamig o umuulan, pero hindi ang pagpapainiksyon na naging bahagi na ng aking bawat araw.
"Naaalala mo pa ba ang mga kalaro mong dwende sa ilalim ng hagdanan sa bahay natin sa Velasquez (Tundo)? Sabi ko rin sa iyo'y huwag ka ring sasama."
Naaalala ko ang aking paglalaro, pero walang dwendeng kasali roon, puti man o itim, na mas gusto mong puti sapagkat mababait ang mga puti. Masama ang itim at tayong brown ang kulay ay dapat mabait sa mga puti. Naaalala ko rin ang mga pinagpipilitan ninyong lumalabas na white lady sa bakuran na ipinipilit ninyong kinakausap ko, white lady siya pero brown, dahil isa siyang Filipina na ginahasa ng mga Hapon. Naaalala ko ang lahat ng iyon sapagkat ipinagpipilitan ninyong totoo. Iyon ang naalala ko, ang inyong mga kwento at hindi ang mga dapat ay nakita ko. Mas naaalala ko ang kanto ng Paraiso at Velasquez kung saan kami naghihintay na magkakapatid sa pagdating ni Amang galing ng Tagaytay tuwing maggagabi ng Mierkules. Maraming-maraming uwing pasalubong si Amang, mga pagkain, laruan at higit sa lahat, pambili sa alin mang bagay na naipangako niya noong nakaraang linggo. Naaalala ko rin ang lahat ng nag-alaga sa akin, mula kay Ka Agring na siya kong unang yaya, si Ka Nita, ang Bikolanang nagpapameme sa akin sa duyan kapag ako'y pinatutulog sa tanghali, at si Ate Edad, na kaibigan ng pinsang buo kong si Ate Rose (Kaka) na palaki ni Inang, na anak ng kanyang kapatid, na siyang itinuring naming panganay na kapatid. Didilat ako kapag itinigil nila ang ugoy sa duyan, at malimit na kayong nagpapatulog sa akin ang nakakatulog at ako'y babangon sa duyan para muling maglaro. Naaalala ko rin kung paano halos mapaiyak ko silang lahat, kasi lang ay ayaw kong sumunod. Hindi ako kakain, kasi'y ayaw ko ng ulam. Hindi ako mabobola, na kainin mo't masarap iyan. Hindi ako kakain ng isda at hipon, kasi'y ayaw kong magkaliskis o mag-alis ng balat o talukap. Kayo ang gagawa noon. At lalong hindi ko ibubuka ang bibig ko para tanggapin ang inyong isinusubo kung marami pa kayong sinasabi. Susunod ako kung makikiusap kaya kayo. Marunong akong umunawa sa mga nakukunsumi ko. Ganoon ako kabait na bata. Kung ayaw ninyong mag-sorry, pwede ninyo akong libangin at patawanin. Kung gusto ninyo'y magsayaw kayo o kumanta habang pinapakain ninyo ako. Marami akong nakakain kapag masaya ako.
Mahaba at maganda ang pasakalye ni Inang. Mukhang seryoso nga. Mukhang may hihingin siya sa dulo. Alahas? Hindi siya mahilig doon. Bagong damit? Sa kapatid kong si Florence lang siya humihiling noon? Pabango? Kahit sa sabong mabango ay allergy siya, pabango pa? Perla lamang ang sabong gamit niya mula ng maalergy siya sa paborito niyang Heno de Pravia at Palmolive nitong huli. Pera? Hindi ka Inang nanghingi ng pera kailanman. Ayaw mong manghingi, mas dinadaan mo iyon sa pagrereklamo sa pagmamahal ng bilihin, at idadaing mo ang hirap sa pagbabadyet, pero hindi mo dinidiretso, ni hindi ka makikiusap. Hindi ka nga nagalit kahit minsan kay Ate Nora, na isang taon ng titser at lahat ay hindi pa rin nakakaisip na abutan ka kahit kapurit sa buwanang sweldo nito. Hindi ka nga rin nagpapakita ng hinanakit sa mga anak mong madalang kang dalawin sa Hagunoy dahil lahat sila'y may pinagkakaabalahan sa Maynila. Gusto mo Inang ang papel ng isang maunawain at martir na ina. Mabuti na lamang at walang talagang black sheep sa pamilya, kung nagkatao'y magiging makatotohanan ang pagpapamartir mo. Kaya ka ba Inang malungkot?
Unti-unti, matapos ang mahaba at maraming pasakalye'y nasabi mo rin ang talagang gusto mong sabihin. Naibsan ka ng alalahanin. Para kang nabunutan ng tinik. Maluha-luha ka pa, pero nang marinig ko ang talagang pakay mo, ano pang maiging reaksyon ko? Ngek, ba't ako.
"Naipangako ko kay Apo Elena (tawag niya sa patronang santa) na magkakapitan ka, gumaling ka lamang. Kailangan mo na iyong gampanan hanggang buhay ako. Pipingkawin tayo ng Diyos kapag hindi natin tinupad ang panata. Gugusar ka sa pista."
Ngek at ngek pa talaga. Deretsahan na yon. Hindi ko na alam ang isasagot. Naitakda na niya kung kailan ko iyon dapat tuparin. Sa darating na Mayo 2-4 (araw ng pista), maghahanda siya. Kukuha ng musiko, mag-iimbita ng mga sikat na kakilala at kamag-anak bilang mga abay ko. Buo na ang plano nya. Sumado na niya pati gastos, pati na sa kung saan manggagaling ang pera. Ako na lang ang pinakamalaking problema niya. Kailangan kong sumunod bago siya mamatay.
Patay, doon ako sumabog. Hindi ko masabing ano ka Inang, bale? Ayoko. Ba'y ba't pati pananampalataya nyo'y ipinagpipilitan ninyo. Hindi ko siya syempre lelektyuran ng dialectical materialism, dahil tiyak na mapapaiyak iyon, dahil hindi naman siya marunong umingles at lalong hindi nakikipagdebate. Pwede lang siyang makinig sa kausap na ang dulo'y siya pa rin ang masusunod. Anong gagawin? Susunod? Paano ko sasabihin ang gusto kong sabihin na hindi siya magtatampo?
"Inang, kung gusto mong mamanata, e di manata ka? Kung gusto mong magpaabot ng maghapon-magdamag sa simbahan, e di bahala ka. Ba't mo ipinamamanata ang iba? Di kung gusto mo'y ikaw ang magkapitana." Pinagkaganda-ganda ko na ang tunog ng salita ko, namula pa rin ang kanyang mata. Kailangan ko nang tumigil, dahil mas malamang lumaki ang problema ko. Sa amin, ang talagang bunso ay si Inang. Siya ang talagang spoiled. Bunso siya sa talong magkakapatid at siya lang ang babae. Hiningi lang daw ni Inang Clara, (na inang niya) kay Santa Clara sa Obando si Inang. Nagdala ng itlog at saka nagsayaw sa prosisyon sa kapistahan nito. Si Inang rin daw ang nagpatigil sa pagiging babaero (bahagya) ni Amang Uro, na ama nito. Si Inang daw na hindi pinadapuan kahit sa langaw at lamok, na ayaw ding paligawan, ay kung bakit nagawang maitanan ni Amang Indo, na sa biruan naming magkakapatid, sa halip na si Inang ang tanungin ay si Amang ang kinukulit namin, kung paano niya nagustuhan si Inang. Pogi si Amang, mukhang Bumbay. Si Inang nama'y isang patented na original na dalagang Filipina na sa simula't simula pa'y pang-collectors item na. Ibig sabihi'y dapat nabuhay noong panahon nina Sisa at Maria Clara dahil pare-pareho silang luma. Mahal namin si Inang, espesyal siya. Espesyal kami sa kanya. Noong mga bata pa kami'y hindi kami nagsuot ng damit na may mantas, ni may tastas. Hindi kami natutong lahat na tumuntong sa lupa, at hindi kami natutulog na amoy pawis. Alam din niya ang paboritong ulam ng mga anak niya. Sa pagkain, laging huli sila ni Amang. Kung ano lamang ang ayaw namin at itira, iyon na lamang ang pagkakasyahin nila. Sa amin ang tiyan ng bangus. Sa amin ang taba ng alimango. Sa mangga, kung ito'y wala pa sa panahon at mahal, sa amin ang pisngi at sa kanila ang buto. Hindi nagrireklamo si Inang. Totoong nagagalit, pero kapag sininghal na nino man sa amin ay agad tumitigil, na para bang siya ang may kasalanan. Iyon ay sa maliliit na usapan, sa malalaking desisyon, siya ang nasusunod.
Namula ang mata ni Inang. Kailangan ko nang tumigil dahil mas malamang lumaki ang problema ko. Mula nang tumanda siya, lalo na nang namatay si Amang, mas naging mahinanakitin ito, naging mas madrama, gayung Stop Look and Listen na ang palabas sa T.V. at laos na rin si Tiya Dely at ang Reyna ng Vicks na isa pa niyang paborito noon. Noong bata pa kami'y namamalo siya, turo iyon ni Amang Uro na nagrereklamo kung gaano katitigas ang ulo namin, at kung bakit sa bahay ay mga bata ang sinusunod ng matatanda. Lalaki raw kaming mga salbahe. Padadapain kami ni Inang, saka niya kakapain sa ibabaw ng aparador ang kanyang pamalo. Kapirasong patpat iyon, na malimit mawala dahil itinatapon naming magkakapatid kapag naabot namin ang taguan, na parati naman niyang naihahanap ng kapalit. Bago pa man dumapa, kanya-kanya na kami ng pasok ng karton sa salawal, para hindi masakit ang bagsak ng pamalo. Hindi naman niya iyon pinaaalis. At lalong hindi naman siya masakit mamalo. Mas mukhang ang gusto niya'y matuto kaming sumunod sa pagpapadapa sa amin kaysa talagang saktan kami.
High school na ko nang matutunan niyang wala naman pala talagang bisa ang pamamalo niya. Noon natutong manigaw ni Inang, na hindi pa rin namin pinapansin. Minsan nga'y kumakain ako nang kagalitan ako nito. Hindi ko na matandaan kung anong ikinagagalit. Sagot ko'y pwede bang hintayin na muna niya akong kumain saka siya magalit. Sagot niya'y hindi maaari. Ngayon na. Kasi, kung hihintayin niyang makakain ako, e di tiyak na lalayas na naman ako, e sino pang kagagalitan niya? Oo nga naman pala. At nang nagsilaki kaming hindi nga pwedeng paluin ni sigawan, dahil hindi nga namin siya pinapatulan ni pinapansin, saka niya nadiskubre ang pinakamatinding parusa para sa aming lahat. Pag sumama na ang loob niya, agad papasok sa kwarto sa ibaba. Mauupo siya sa kanyang katre, katabi ng aparador na munti. Kunwa'y mag-aayos ng mga damit. Dadampot ng kahit na anong damit. Isusuot ang kanyang salamin sa mata, ilalabas ang kanyang lalagyan ng karayom at sinulid, kunwari'y manunulsi. Hindi na siya tatayo roon. Maririnig na lang naming singhot nang singhot. Umiiyak siyang walang sound, na parang silent movie, na mas kailangan namin ng talas ng pakiramdam para maunawaan ang nangyayari. May tama iyon sa manonood, ang lakas maka-guilty.
Ba't naman kasi ang tigas ng ulo ko. Dito sa baryo, isang malaking karangalan ang maging abay man lamang, lalo na kung ng isang malaking tao. Mas malaking karangalan ang pagkakapitan/ kapitan kaysa pag-abay. Kahit nga mga kalalakihan ay iniiwasang magbilad sa araw isang buwan bago magpista. Nakakahiya kasing sumama sa prusisyon ng nangingintab at nangingitim. Isang taon bago magpista, nag-aalaga na ng baboy at mga manok na kakatayin. Ipinapagawa, inaayos o pinapipintahan ang bahay. Pati kurtina'y pinapalitan, pati mantel ng lamesa'y pinuproblema. Ang pista ang pinakamalaking okasyong hinihintay ng lahat sa baryo. Dito, ang maliliit ay pwede ring umastang malaki. Sa araw na iyon, ang mga kapitan at kapitana ang siyang bida sa buong baryo. Siya ang pinakamainam. Masarap ang ihahandang pagkain. Mag-iimbita ng mahusay na kusinera kung kinakailangan. Dadalo ang mga pinakamalalaking tao at mga ipinagmamalaking kamag-anak. Ang mga anak ay mag-iimbita naman ng mga magaganda at sikat. Marangya rin ang isusuot na iba't ibang damit sa tatlong araw na prusisyon. Hangga't maaari'y walang mag-uulit ng naisuot ng damit. Pag-uusapan kung saan ipinatahi at kung magkano ang bawat damit, terno man iyon o barong o amerikana. Iyon lamang ang okasyon na makapagsusuot ang mga bida ng ganoon karaming damit. Isang barong lamang ang kailangan kung ikakasal, na mas malamang ay iyon na rin ang isusuot kapag nakaburol na. Ang mapipili ng hermanidad ang siyang pagkakalooban ng karapatang gumamit ng tungkod na may laminadong litrato ni Sta. Elena sa tuktok. Kung siya'y isa ng hermano/a na hindi lang isang basta kapitan/a, mas sikat siya. Pati simbahan ay ipapagawa o papi[intahan niya kung makakayanan. Pati ang pagkain ng mga artista magpapalabas ay sasagutin niya. Pupunuin din ng gayak ang ibabaw ng kalsada. Sa tanghali'y may magpapaypay at mag-aabot ng juice sa kanilang buong entourage. Sa gabi'y may mga mag-iilaw sa kanila, may magtatanglaw din ng lusis at magpapaputok ng kuwitis. Paglakad ng prusisyon sa kalsada, hihilera sa daan ang lahat ng tao. Dudungaw sa bintana ang mga nasa bahay. Ititigil ang lahat ng gawain, sapagkat lalabas na si Sta. Elena, kasama ng kanyang mariringal na kapitan at kapitana. Uusyosohin sila. May magpapatawa, may mangangantyaw at may mamimintas. Ikukumpara ang pwedeng ikumpara, para mapiho sa kung sino sa kanila ang talagang totoong mukhang bida. Bawa't isang may sinasabi ay may sariling arkiladong musiko. Mas mainam kung buo ang banda, na may kasama pang majorette na nakabota lagpas tuhod, na ang manggas ng uniporme'y hanggang kamay halos, pero ang palda'y, mas mainam kung mas maikli.
Masarap ang mapuri at mapalakpakan. Pero hindi gastos lamang ang dapat titiisin, at lalong hindi kantyaw ni pintas ang dapat intindihin. Alas dose na ng tanghali ay nasa kalsada pa rin ang nagpuprusisyon. Pawang tumatagaktak ang pawis. Ang mga babae'y mistulang kendi na natutunaw, gayundin ang kalalakihang luwa na ang dilaw sa paghagok sa pagod at init. Lahat sila'y naliligo sa sariling pawis. Hindi na marangal tignan ang mga nanggigitata. Parusa maging sa nanonood sa kanila. Parusa ring maglakad ng nakakatad sa lalaki at high heels sa babae sa kahabaan ng baryo na itinutuloy pa hanggang sa kabilang baryo, na magtatapos sa pagpapasok muli ng Santa sa simbahan. Mas nagiging doble ang parusa kapag sinunod ang tradisyon. Kahit na nakaterno at nakabarong, kailangang kumendeng-kendeng sa daan, kasabay ng tugtog ng musiko. Magsusuot ng damit kagalang-galang, tapos magwawala sa daan. Mabuti sana kung kabataan ang gumagawa noon, pero kung mararangal na taong, ni kausap nga'y hindi makausap, biglang magkekekendeng sa daan? Iyon ang hindi ko maunawaan, kaya hindi ko pinangarap ni minsan na maging abay, ang magkapitan pa kaya? Ikakatwiran ko na lang na mas gusto kong nanonood kaysa pinapanood. Magkaiba nga kami ng panahon ni Inang. Ang gusto niya'y ang ayaw ko. Paano ko siya susundin? Kung ako naman kaya ang manata para sa kanya? Makikinig kaya siya? Sakalit pumayag at hingan ako ng kondisyon na dalawa kaming gugusar sa pista, iyon ang talagang problema. Kung magkakadalawa kaming pagtatawanan, e di malamang makasapak lang ako ng tao. Ni isip, hindi ko kaya ang gustong mangyari ni Inang.
MINSAN, sa ibang panahon, noong minsang naisipan kong umuwi sa Bulacan para doon tapusin ang isinusulat kong talambuhay ni Rolando Olalia, inabutan ako nang pistang munti. Iba pa iyon sa pistang malaki, at iba pa rin sa pista ng Ina ng Laging Saklolo, pista ng Corazon de Jesus, pista ng Cruz at iba-iba pang pista na habang dumarami ang mga gustong manata na nangangailangan ng pansin, ay mas piniling magdaos ng sariling pista para walang kakumpetensya. Sa kubo nina Ka Elvie, panganay kong kapatid, sa likod ng bahay nila ako nakatira. Akong mag-isa lang doon, kaya walang aabala sa aking pagsusulat. Malayo pa'y dinig ko na ang musiko at paghihiyawan ng mga gumugusar at mga nanonood. Nagkakatuwaan sila nang husto. Tinutugtog ng musiko ang Bikini Mong Itim . Ako ma'y napangiti rin. Hindi ko tiyak kung kaya sila nagsisigawan ay dahil sa tugtog sa kung ano. Hindi ko nga matiyak kung sinasadya iyon. Okey na rin, total nama'y babae si Sta. Elena, kaya pwede na ring isipin ang Bikini Mong Itim . Ipagpalagay na lang na usapin iyon ng hygene kaysa sa hindi pa kinikilalang usapin noon sa gender. May nagtatagay naman pala ng alak sa mga nagpuprosisyon, na minsa'y itinatagay din sa mga kakilalang lasenggong miron. Maraming miron. Kaya naman pala walang inhibisyon, lasing ang nanonood at mas lasing ang pinapanood.
Ilang hakbang mula sa tarangkahang kinatatayuan ko, kasama ng iba pang mga usyoso, binanatan ng musiko ang Binibirotsa ni Andrew E. Hindi man ako natagayan, napahagalpak ako ng tawa. Sabi na nga bang matatapang ang mga kababayan ko. Biruin mong naisipan pa nila iyon? Sta. Elenang ikinekendeng-kendeng din ng mga nagpapasan sa kanya, sa saliw ng tugtog ng Binibirotsa . Maunawain ang Santa, kahit na ginanoon siya, wala daw napingkok na kamay, at wala ring umurong ang dila. Naipasok din sa simbahan ang Santa. Ang saya-saya talaga ng pista ni Sta. Elena. Milagrosang talaga, ang lahat ay nakakalimot sa problema. Iyon ang himala.
Natupad rin sa wakas ang panata ni Inang na magkapitan ako. Isang pista iyon na hindi ko alam. Ikinwento na lamang niya ang kanyang lihim noong bago siya namatay. May proxy na tumupad ng kanyang panata para sa akin. Pinilit niyang gampanan ni Henry, bunso kong kapatid ang panatang dapat ay ako ang gumanap. Nakabarong din siya. May handa rin sa bahay kahit na paano. Pero wala siyang abay ni musiko. Basta sumingit ang aking bunsong kapatid sa prusisyon. Di na mahalaga kung sa una o sa gitna o sa huli, basta't hindi sa likod ng musiko. Siguro'y napagkamalan siyang abay dahil nag-iisa, siguro'y may nagtagay din sa kanya. Sana'y nagustuhan niya ang kanyang ginawa. Sana'y gumaang din ang pakiramdam ni Inang, ngayong nagampanan na niya ang kanyang panata, hindi na magagalit ang santa, hindi na ako mapipingkot sa kamay na dadalawin ng isang sumpa balang-araw.
SUMPA, multo, duwende, kay dami nito sa buhay ko. Mabuti pa noong bata ako't ito'y hindi totoo. Ngayong matanda na ako, nagkakahubog sila, hindi guniguni ni kathang-isip, mga totoong tao sila. Mukhang tao, parang tao, astang tao, kumpleto ang pyesa sa katawan, pero mahirap tanggaping mga tao. Sila ang personipikasyon ng mga sumpang noo'y ikinatatakot ni Inang kapag hindi ko ginampanan ang kanyang panata?
Naniniwala ako sa demokrasya ng maliliit. Hanggang nadiskubre ko ang isang baligtad na kahulugan ng demokrasya. Kakatuwang demokrasya. Nang gawin ng diyos ang mundo, nagkalat daw ito ng biyaya sa lupa. Pero meron pa siyang isang ginawa para sa lahat. Hindi lamang ang mga biyaya ang ikinalat niya para sa lahat, pantay-pantay din niyang ikinalat ang mga buwisit sa lupa. Tiniyak niyang kahit sang lupalop ng mundo magpunta ang tao ay may makakasama siyang buwisit. Iba't ibang sizes, gender at edad, na ang tanging common ay ang kanilang misyon na mambubuwisit. Tinatawag din silang mga hangal at ugok.
ANG PAGTANGGI ko palang sumunod sa prusisyon ng mga naka-barong tagalog na sinusundan ng musiko ay hindi lamang dahil naaasiwa akong panoorin ako ng tao. Isang akto na pala iyon ng personal na rebelyon sa hipokridad. At higit sa lahat, isang manipestasyon nang pagtanggi ko sa kapangyarihan. Ayoko nang kapangyarihan, kaya malimit ko silang makabangga. Maaari akong magapi, pero hindi ako palulupig sa mga hangal. Basta ang gusto ko'y maging isang pangkaraniwang tao. Mananatili akong simpleng tao, hindi magnanakaw ng atensyon ng kapwa. Hindi maghahangad ng kapangyarihan. Iyon ma'y waring may bahid rin ng sumpa.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento