Red ang Luha ni Michael ni JIMMY L. ALCANTARA
Michael and I were meant to be together. Tumira sa iisang komunidad sa Butuan, magkaeskuwela mula prep school hanggang kolehiyo, lumaki na pareho ang barkada, nagsosyo sa bawat stick ng yosi at sa bawat piraso ng french bread, pan de sal, at pan de coco, at kung minsan sa bawat bilog, lapad, at cuatro cantos. Kaya walang nagulat nang isang mahalumigmig at makulimlim na Agosto, magkasama kaming "lumaya" sa Agusan del Norte. Limang libo, transcript of records at sense of adventure ang bulsa-bulsa namin papuntang Maynila.Pagkatapos ng anim na taon ng iba't ibang komedya, trahedya at melodrama, magkasama pa rin kami. Sa isang sulok ng Quezon City kami umupa ng apartment--dalawang kuwarto, three-five. Hati na naman kami sa lahat: renta, pagkain, bayad sa tubig, ilaw, telepono. Akin ang sala set, kanya ang kama; akin ang TV, kanya ang ref; akin into, kanya 'yun. At pag naghiwalay na kami, siyempre naman, kanya-kanyang hila ng gamit.Malabo ang relasyon namin--magkaibigan, mag-asawa, magsyota, magkakilala. Kaya siguro di kami nagpakasal at di rin kami nag-anak. Pero di kami apektado kung di man namin ma-define ang relasyon namin.Yuppy ang gimik ni Mike. Nagtatrabaho siya sa personnel department ng isang ad agency sa Vito Cruz. Wala akong trabaho. Hindi, nawalan ako ng trabaho. Huwag na nating pag-usapan ang nangyari sa CCP. Di raw nila kailangan ang 'nahihibang' na production designer. Masisira daw ang mga dula at musikal nila. Gago raw ang mga kulay at konsepto ko.Isang makulit at mainit na Lunes ng umaga, sa harap ng pinagbuhusan ko ng atensiyon at pawis na omelet at bagong pigang orange juice, nagpabuntung-hininga si Mike at, "Sa init ngayon, natutusta ang utak ko at maalala ko, kinakalawang na ang ref, pag may bisita tayo, gusto kong magtago sa aparador."Napangiti ako. Ito na ang pagkakataon para sorpresahin si Mike. No, di ako bibili ng bagong ref. Babaguhin ko lang ang kulay! Marumihin ang puti, vile naman ang brown. Pula! Tama, scarlet red. Magugustuhan niya.Madrama ang pula, may landi. Minsan morbid pero kadalasan, romantic. Masisiyahan siya. Ako na rin ang magpipinta. Gagawin kong isang obra-maestra ang ref.Sa isang tindahan sa Cubao bumili ako ng malaking lata ng Scarlet Aluminum Paint. Di ko alam kung puwede 'yun sa ref, pero kinuha ko na rin. At isinama ko na rin ang isang brush na katamtaman ang laki para kontrolado ang pagpahid.Kaya pagpasok ni Mike sa trabaho ng Biyernes na iyon, hinarap ko ang ref. Binakbak ko ang lumang balat nito. Binuksan ko ang lata ng pintura at hinalo ang parang dugong likido ayon sa direksiyon. At binanatan ko na.Ang ganda ng kinalabasan. Perfect ang first coating. Bagay na bagay ang kulay. At natakpan ang dumi at iba pang lumang pinturang di natanggal sa ref.Naaliw ako ng husto sa ginagawa ko, kaya di ko na nahintay na matuyo ang unang coating bago pahiran uli. At para makasiguro na di mababakbak ang pintura, pinahiran ko pa ng isa. At ngayon ko na-realize na dry ang itsura ng kusina, walang dating. Sinimulan kong pasadahan ang mga cupboards. Kaya lang, natuluan ang lababo, itinuloy ko na rin ang pagpinta rito. Ilang pahiran lang, bagung-bago na ang mukha ng kusina--intense.Di na ako nakapagpigil. Nang mapuno ang sahig ng kusina ng mga pulang polka dots, napagpasiyahan kong gawing maliliit na puso ang mga ito. To relieve the monotonous squareness of the tiles, kung baga.Tutal narumihan na ang kamay ko at bukas na ang lata, naggalugad ako sa loob ng bahay ng puwede pang mapinturahan. Dali-dali kong hinarap ang nangungupas na lampshade, ang miniature na model ng Eiffel Tower, ang frame ng isang pekeng Monet, ang mga paso at dahon ng palmera, airpot, pati na ang tsinelas ni Mike sa loob ng bahay.Naa-addict na ako sa ginagawa ko. Pero nang makita ko ang itsura ng pinto ng bahay, di ko napaglabanan ang tukso. Kulay dilaw na brown na puti ang kulay ng pinto. Ilang pahiran lang at nawala ang ambiguity nito.Pagkatapos ng pinto, naisip ko: "Ayoko na, tama na." Pero di siguro magandang tingnan na isang picture frame lang ng bahay ang kulay pula, kaya pinintahan ko ang lahat. Ilang minuto ako sa ceiling fan. Ang dutsa sa kubeta at ang mga gripo, nag-improve mula sa walang kalatuy-latoy na silver.Habang pinapasadahan ko ang gilid ng TV, nahulog ang brush sa kaliwang sapatos kong de-goma. Itinuloy ko na rin ang pagpipinta sa sapatos--sa isang paa lang. Parang si Tom Hanks sa Man with one red shoe.Pagkatapos ng konting pahiran sa radyo, determinado na akong huminto--sa sandaling lagyan ko ng glamour ang mga throw pillows. Kaya lang, natilamsikan ang rug. I'm sure, masisiyahan kayong malaman na maganda ang pagkaka-absorb ng rug sa pintura. Di ko lang alam kung iyon ay dahil sa kalidad ng pintura o ng rug.Pumanhik ako sa kuwarto at hinarap ang mga aparador. Binuksan ko ang isa. Pinasadahan ko ang mga bag at sinturon ni Mike at ilan sa mga attaché cases ko. Bumaba ako at lumabas sa garden at pininturahan ko ang mga praso, ang mga dahon ng san francisco at gumawa ng kauna-unahang pulang sampaguita.Nasa kalagitnaan ako ng pagpipinta sa telepono nang may kumatok. Si Mike! Binuksan ko ang pinto. Di si Mike. "Sulat galing sa Butuan. Sino si Mike Fernan? Galing sa isang Joan." Inabot ko ang sulat. Maputla ang kulay ng kartero, kulang sa buhay. Pinahiran ko ang mukha niya ng konting pintura para di naman siya mukhang anemic. Di yata naintindihan ng mama ang gusto kong palabasin, at nagtakbo itong humihiyaw.Habang pinipintahan ko ang dingding ng sala para ibagay sa bagong personalidad ng bahay, bumukas ang pinto at bumulaga si Mike."Ipinagpaumanhin ninyo," sabi niya, "nagkamali ako. Akala ko'y ito ang bahay ko at ikaw ang Ricky ko."Hinawakan niya ang pulang doorknob at lalabas na sana nang pigilan ko siya."Mike, ako ang Ricky mo. Di ka ba nasorpresa, ref mo'y iba na?"Di lang siya nasorpresa, nagulantang pa siya. Doon na raw muna siya sa kaibigan niya sa Fairview. Iiwan na raw niya sa akin ang ref niya, ang kama niya, ang ito niya, ang iyon na. Aalis na raw siya at di siguro kung babalik--pero di pa siya makaalis kasi'y basa pa ng pintura ang mga maleta niya. Di malaman ang gagawin, bumigay ang tear ducts niya."Totoo ngang nababaliw ka na. Sabi mo'y matino ka na. Ibabalik uli kita sa basement. Sana'y gumaling ka na. Ayoko kasing mag-isa."Wala akong nasabi at sa isang mahinay na unday, pinintahan ko ang mga luha niya ng pula. Naubos ang laman ng lata.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento