Emmanuel ni Efren Abueg
Sa taya ko'y mga dalawampu't anim na taon siya. Maputi. Mataas. Matangos ang ilong. Malalamlam ang mata. Malago ang kilay. Daliring-babae. Nakapantalon ng abuhing korduroy at iskiper na kulay-langit. Nagbakasyon ako sa Naga sa anyaya ng isang kaibigan, at nang pabalik na ako sa Maynila lulan ng tren, ay nagkatabi kami sa kotseng primera klase. Nakababagot ang mahabang paglalakbay. At sa kawalan ng mapaglibanga'y nakipag-usap ako sa kanya. Hindi siya masalita, ngunit isa siyang mabuting tagapakinig. Malungkot ang kanyang tinig, at ang ilang kasagutan niya sa mga katanungan ko'y tila kakambal ng hiwaga. Naitanong ko kung saan siya nanggaling. "Marami akong pinanggagalingan," sagot niya. "Naglilibot?" "Siguro. Ewan ko." Sa manaka-nakang pagsasalita niya'y natiyak kong malawak ang kanyang kaalaman. Bawat paksang buksan ko'y saklaw niya: sining, siyensiya, kasaysayan, relihiyon, pulitika. Sa madaling salita'y sinapit namin ang Maynila. Bago kami naghiwalay ay nagkamay kami't nagpakilala sa isa't isa. "Minsan, magpasyal ka sa bahay." Sinabi niya ang kanyang tirahan; tinandaan ko iyon at nang magkalayo kami'y itinala ko sa likod ng kaha ng posporo. Aywan ko kung anong pang-akit mayroon si Emmanuel upang hangarin kong magkita kaming muli. Dinalaw ko siya makalipas ang limang araw. Marahil ay labis ang katagang "nanggilalas," ngunit tunay na nanggilalas ako nang makita ko ang bahay na tinitirhan niya. Mahirap ilarawan ang bahay na iyon. Ang masasabi ko lamang, bago ako makapagpatayo ng gayong bahay ay kailangang tumama muna ako ng unang gantimpala sa karaniwang bolahan ng suwipistik. May pulang Thunderbird sa carport. Bago ako pinatuloy ng isang utusang babae ay ipinagbigay-alam muna niya kay Emmanuel ang aking pagdating. Nasa salas si Emmanuel, nakaunat sa mahabang sopa. Nakaputing korto siya, hubad-baro. Mabalahibo ang kanyang binti. Ang mukha niya'y namumula: marahil ay dahil sa alak. Umiinom siya. Nakangiti sa akin si Emmanuel, ngunit ni hindi siya tumayo. Inginuso niya ang isang sopa. Maingat na naupo ako. "Kumusta, brad?" bati niya. "Eto," kiming sagot ko. "Iinom tayo, brad." Husto sa mga makabagong kasangkapan ang kabahayan. May hi-fi. May telebisyon. May telepono. Bentilador. May piyano. "Kung alam kong ganito ka, brad," sabi ko habang sinasalinan ko ng wiski ang basong kaaabot pa lamang sa akin ng utusan, "baka nag-isip muna ako nang makasampu bago ako nagpunta rito." "Ow." Nasakyan niya ang nais kong ipakahulugan. "Walang kuwenta iyan." Itinanong ko ang mga kasambahay niya. "Ako lang, saka ilang katulong." Sa pag-uusap nami'y nalaman kong ulilang lubos na siya. Ang kanyang mga magulang ay nasaawi sa sakuna samantalang nagliliwaliw sa buong daigdig; umano, ang eroplanong kinalululanan ng mga magulang niya'y bumagsak sa Roma. Ang tanging kapatid niya, lalaki at matanda sa kanya, ay may asawa na. Ang paksa'y nagawi sa pag-aaral. "Tapos ako ng medisina pero hindi ko ginagamit," sabi niya. "Hindi ko naman kasi hilig iyon pero siyang ipinakuha ni Mommy. Doktor si Mommy. Sabagay, hindi ko naman alam noon kung anong karera ang talagang gusto ko. Ikaw?" "Kumuha ako ng komersiyo pero nahinto." "Bakit?" "Kinapos," patawang amin ko. "Nagtatrabaho ka na lang?" "Nagbibilang ng bituin. Kung medyo ginaganahan, nagsusulat...nagkukuwento ng mga kalokohan." Dumidilim na nang magpaalam ako. Inihatid ako ni Emmanuel hanggang sa makalabas ng tarangkahan. "Bumalik ka," sabi niya. Tumango ako bagama't hindi ko tiyak kung mababalik pa nga ako sa bahay na iyon. Ngunit nagbalik ako pagkaraan ng dalawang linggo. At gaya noong unang pagsasadya ko roon, si Emmanuel ay dinatnan ko na namang umiinom. Nagkaroon siya ng kainuman. Sa pagbibidahan nami'y naitanong niya kung ako'y mahilig sa babae. "Lalaki tyao, brad," sabi ko. "Anong klaseng babae naman ang gusto mo?" "Maganda. Mabait. Malambing. Ikaw?" "Ewan ko. Maglabas tayo ng babae, gusto mo?" May pumitlag sa dibdi ko. "Kung sa gusto'y talagang gusto ko. Pero hindi ako puwede ngayon." "Kuwarta?" Matunog siyang makiramdam. Tumango ako. "Ow. Walang kuwenta iyan." May tinawagan siya sa telepono. "Susunduin natin sila mamayang alas-otso," pagkababa sa auditibo'y sabi ni Emmanuel. Doon na ako naghapunan. Ikapito ng gabi'y lulan na kami ng Thunderbird. Dumaan kami sa tindahan ng bulaklak at bumili ng dalawang corsage. Alam ko kung kanino namin ibibigay ang mga bulaklak at naisip ko na hindi yata basta babae ang ilalabas namin. Hindi nagkamali ang kutob ko. Ang dalawang babaing kinaon namin, sa mga bahay na tila kastilyo, ay kapwa maganda, parang mga manikin. Myrla ang pangalan ng nakapareha ko. Nagtabi kami sa hulihang upuan ng Thunderbird. Sa kagandahan ni Myrla, at sa bangong nalalanghap ko ay parang ibig kong mangarap nang dilat. Naumid tuloy ang dila ko at bahagya ko nang kausapin si Myrla. Nagnaitklab kami---inom, bidahan, sayaw, inom, sayaw. magkahalong Ingles at Tagalog ang usapan namin. Kalaliman ng gabi'y nilisan namin ang naitklab. Sumagap kami ng hangin sa baybay-dagat. Madilim, ngunit naaaninaw kong hinahalikan ni Emmanuel ang kanyang kapareha. Nobya pala niya, naisip ko. Si Myrla, na ni hindi ko sinasanggi ang kamay, tuwing babalingan ko ay nababanaagan kong nakatingin sa aking mukha. "Lanta naman ako sa kaibigan mo, Manny," sabi ni Myrla, at nagtawa. Madaling-araw na nang ihatid namin ang dalawang babae. "Ikaw, saan kita ihahatid?" tanong ni Emmanuel. "Magtataksi na lang ako." Ngunit mapilit si Emmanuel kaya pumayag na akong pahatid sa kanyang kotse. Sa daan ay sinabi niya sa akin ang dahilan kung bakit pinagtawanan ako ni Myrla. "Moderno sila. Puwede mong hawakan. Puwede mong halikan...for the fun of it, 'ika nga. Pag hindi mo ginawa iyon, parang naiinsulto sila." Wala sa hinagap ko na ang pagkikilala namin ni Emmanuel ay hahantong sa pagiging matalik na magkaibigan. Dumalas ang punta ko sa kanyang bahay. Kapag ginagabi kami sa pagkukuwentuhan, na may kahalong inuman, ay doon na niya ako pinapatulog. Malimit din ay doon ako kumakain. Ngunit habang nagkakalapit ang kalooban nami'y lalo naman siyang nagiging mahiwaga sa akin. May mga pagkakataong parang nawawala siya sa sarili. Nalilingunan ko na lamang na nakatanga siya, waring sakmal ng malalim na pagmumuni. At kapag napuna niyang pinagmamasdan ko siya, agad ay ngingiti siya. Isang araw, samantalang nagbabasa ako sa kanyang aklatan, ay narinig ko sa piyano ang Fantaisie-Impromptu ni Chopin. Lumabas ako. Nasa harap siya ng piyano. Pagkatapos niyang tumugtog ay pumalakpak ako. "Marunong ka pala niyan, a," sabi ko. Nagkibit-balikat siya. Madalas ay lumalabas kami: naglalaro ng boling, naliligo sa mga beach resort at karay namin ang kung sinu-sinong babae, na bilang katuwaa'y maaaring halikan. "Huwag ka lamang gugusto sa sinuman sa kanila, brad," bilin sa akin ni Emmanuel. "Bakit?" "Mayayaman sila, brad. Mahirap silang mapaligaya kahit na ipaghalimbawa nating mayaman ka rin." Nalaliman ako sa sinabi ni Emmanuel. Natitigan ko siya. Ngumiti siya, ngunit ngiting wari'y kaakibat ng hiwaga. Isang gabi'y napansin kong lulugu-lugo si Emmanuel. "Maligaya ka ba, brad?" tanong niya, at ako'y natigilan. "Kung minsa," sagot ko, "pero kadalasa'y hindi." "Sa mga sandaling hindi ka maligaya, alam mo naman ang dahilan kung bakit hindi ka maligaya?" "Siyempre. Kabiguan sa mga hangarin, halimbawa." "May kinalaman ang pera sa mga kabiguan mo?" "Malaki." Tumingkad ang lamlam sa kanyang mga mata. "Hindi ka ba naiinggit sa kalagayan ko?" tanong niya. "Sino'ng hindi maiinggit sa kalagayan mo?" "Nagising ako sa kasaganaan. Mababait, mapagmahal, ang aking mga magulang. Ano man ang hilingin ko sa kanila noo'y ibinibigay nila. Malawak ang kanilang lupain. Si Daddy, bago namatay, ay pangulo ng isang shipping company. Nang masawi sila sa sakuna, kinuwarta ko ang lahat ng ari-ariang minana ko, at inabot iyon nang mahigit na isang milyon. Akin na ang daigdig, sabi ko noon sa sarili. Kukunin ko ang lahat ng kaligayahang maaaring maibigay sa akin ng perang iyon. At ang pagkakilala ko noon sa kaligayahn ay iyong lagi kang may kalong na babae. Iyong may maganda kang bahay, kotse, mga utusan. Nabibili mo ang gusto mong bilhin. Napupuntahan mo ang gusto mong puntahan. Natitikman mo ang gusto mong matikman. Kaya lustay dito, lustay doon ang ginawa ko. Nagalit ang kapatid ko. 'Bakit hindi mo puhunanin sa negosyo ang kuwarta mo?' tanong niya. Pero ayokong magnegosyo. Nakita ko kung gaanong hirap ang inabot ni Daddy sa pagnenegosyo. At mismong si Daddy ang nagsabi na walang katahimikan ang isang naghahawak ng mabibigat na katungkulan. Naisip ko tuloy na mali ang panuntunan niya sa buhay. Ang paghanap ng salapi, nasabi ko noon sa sarili, ay hindi nakapagpapaligaya. Ang paggasa niyon ang nakapagpapaligaya." "Tama." "Ewan ko, brad." "Hindi ka pa maligaya sa buhay mong iyan?" "At ang parteng iyon ang masakit, brad...iyong alam mong nasa iyo na ang lahat para lumigaya ka ay hindi ka pa rin maligaya. Ikaw, kung hindi ka man maligaya'y alam mo naman kung bakit. Pero ako'y hindi ko alam, bagaman nadarama kong parang may hinahanap ako na di ko naman malaman kung ano. Ano pa ang kulang sa akin? Nakapaglibot na ako sa daigdig. Saliksik ko na ang Pilipinas. Nagsugal ako...alak...babae. Binili ko ang bawat maisipan kong luho. Santambak nang libro ang nabasa ko. Nag-aral pa ako ng piyano pagkat baka 'ika ko nasa sining ang hinahanap ko. Maski saan ako sumuling, wala." Nakarinig ako ng sunud-sunod na busina---businang kilala ko---at nang dumungaw ako sa bintana ng apartment na inuupahan nami'y nakita ko ang Thunderbird ni Emmanuel. Pinapagbihis ako ni Emmanuel. Nagtungo kami sa isang cocktail lounge sa Malate, at uminom. "Baka sa isang buwa'y maalis ako, brad," pagbabalita niya. "Gusto kong maglakbay." "Hindi ba't nakapaglakbay ka na?" "Pero iba ito, brad. malamang, e, wala nang balikan ito." Nayanig ako. Ngunit hindi ako nagpahalata. "Paano ang mga ari-arian mo rito?" tanong ko. "Ililipat ko sa kapatid ko." Kung ako'y babae, marahil ay iniyakan ko ang pahihiwalay namin ni Emmanuel. Lumulubog na ang araw at maipu-ipo sa paliparan. Nagkamay kami nang mahigpit. Nakangiti si Emmanuel ngunit hindi maganda ang kanyang ngiti, at naisip ko na marahil ay gayon din ang pagkakangiti ko. "Good luck, brad," sabi ko sabay tapik sa kanyang balikat. Nang lumulan siya sa eroplano, naisip ko na marahil ay nakita ko siya sa huling pagkakataon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento